"…sapagka’t ang bulag na pagsunod ay siyang pinagmumulan ñg likong paguutos, at sa bagay na ito’y pawang nagkakasala. Dí masasabi ñg punó ó parí na sila lamang ang mananagot ñg maling utos; binigyan ñg Dios ang bawat isa ñg sariling isip at sariling loob, upang ding mapagkilala ang likó at tapat; paraparang inianak ñg walang tanikalá, kundí malayá, at sa loob at kalulua’y walang makasusupil, bakit kayá ipaaalipin mo sa iba ang marañgal at malayang pagiisip? Duag at malí ang akalá na ang bulag na pagsunod ay kabanalan, at kapalaluan ang mag isipisip at magnilay nilay. Ang kamangmañgan’y, kamangmañgan at dí kabaita’t puri. Di hiling ñg Dios, punó ñg kataruñgan, na ang taong larawan niya’y paulol at pabulag…"